P85/araw wage hike sa Metro Manila aprub na

MANILA, Philippines — Inanunsiyo ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Francis Tolentino na aprubado na ang pagpapairal ng wage increase na P85 kada araw para sa mga manggagawa sa National Capital Region (NCR), na inaasahang pakikinabangan ng nasa 1.1 milyong minimum wage earners.
Ayon kay Tolentino, alinsunod sa Wage Order NCR-27, ang naturang umento sa sahod ay ipapatupad ng dalawang tranches.
Ang unang tranche aniya na nasa P60 ay magiging epektibo sa Hulyo 19, 2026 habang ang ikalawang tranche na nasa P25 ay magiging epektibo ?sa Enero 20, 2027.
Sa sandaling maipatupad, ang minimum wage sa Metro Manila ay tataas na mula sa P695 ay magiging P780 kada araw para sa non-agricultural workers, habang P658-P743 sa agricultural workers.
Ayon kay Tolentino, ito ay isang makasaysayang wage hike sa MM, dahil nalampasan nito ang P50 increase na ipinatupad noong nakaraang taon. Aniya, simula 2023, ang umento sa sahod para sa mga manggagawa sa Metro Manila ay umabot na sa P210.
Para sa minimum wage earners na nagtatrabaho ng limang beses sa isang linggo, ang taas sahod ay katumbas ng P1,892 kada buwan at magtatakda sa minimum monthly wage na P17,204.63.
Sa mga nagtatrabaho ng anim na araw kada linggo, ang buwanang sahod nila ay aabot na sa P20,631.79.
- Latest




















