Matet, kinuwestyon ang pangwawalanghiya ni Ian?!

Mas mahaba at halos kumpleto ang huling pahayag ni Matet de Leon sa gulong nangyayari ngayon sa kanilang magkakapatid, lalo na ang hidwaan nila kay Ian de Leon.
Nabuyo si Matet dahil sa mga tuligsang natatanggap nila ni Lotlot de Leon.
Ang una niyang post kahapon ay: “Matakot kayo sa gaba ng Diyos. Yes. Ganyan ako katapang humirit ng ganyan. Kilala namin ang sarili namin. Kayo ang nagkakasala. Hindi kami. Babalik at babalik sa inyo ang ginagawa ninyo.
“Nakatingin ang Diyos sa inyo habang nagsusulat kayo ng mali about us. May one point kayo. Kami, wala.
“So tandaan ninyo, baka sayang ang pagkakasala ninyo. Mag isip, bago mag comment.. Kung hindi.. ONE POINT!!!”
Parang may malisya ang dating sa akin sa all caps niyang ONE POINT. Wala naman kayang patama ‘yun sa One Person Corporation na itinatag ni Ian?
Kasunod na post ni Matet ay ang mahabang paliwanag sa isyu nilang magkakapatid. “Nung nagpa-interview siya at nagsabing siya ang sole heir ng paulit ulit, umikot mga pwet ninyo. Nag assume na nang aagaw kami. Mga ‘to naman o. Yung amin, ayoko na sana ilabas. Never kayong nakarinig o nakapanood na nag over share ako ha. Ang tunay na kaaway ay kayo. Nagco-comment ng kung ano ano. Na para bang may nagawa kami sa inyo mismo. I just realized, that your words are empty (the bashers). You don’t know us, we don’t know you. Walaaaa kayong kaalam alam sa nangyari. ”
Sinagot din ni Matet ang tungkol sa inaakusa sa kanya na mga ingrata. “Nakatingin nanay ko sakin habang nagsusulat ako ngayon. Alam niyang sobrang grateful ko at naalagaan ko siya ng higit sa makakakaya ko.”
May mensahe rin si Matet para kay Ian. Naka-quote lang ang “kuya” na tawag niya kay Ian. “Para sa’yo, ‘kuya’ ian, sana sinabi mo rin sa tao yung mga nagawa mong mali. Na hindi totoong nang kakamkam kami. Na yung zoom meeting (tutal nabanggit mo na) eh para sa play na feeling ko mali at hindi enterprise o foundation? Sana hindi mo na e-enjoy ito. Sa tingin mo ba, deserve namin to? Na winawalanghiya kami ng tao kahit alam mo kung sino at anong klaseng tao kami? Mukha kaming kupal kahit alam mong hindi. Di kayo sumasagot sa chat eh. Dito na lang. See guys? You know nothing,” saad ni Matet.
Si Lotlot ay nanahimik. Mukhang turn na ngayon ni Matet na makipagbardagulan sa bashers.
MAVX, gagawan ng adaptation ang Combatron!
Patuloy na namamayagpag ang mga pelikula ng MAVX Productions sa Netflix. Maganda ang resulta, at ilang araw rin itong nag-number one sa top 10 movies.
Ang hindi nila akalain ay maganda rin ang pagtanggap sa isa pang pelikulang ginawa nila na The Last Goodbye nina Matt Lozano at Daniela Stranner.
Kaya lalong nagpursige ang MAVX na gumawa ng pelikula na pang-Netflix ang kalidad.
Ngayon ay first time nila ang isang animated film. Bubuhayin nila ang isa sa mga pinakasikat na karakter ng Pinoy komiks noong dekada ’90 na animated movie adaptation ng Combatron.
Nilikha ng beteranong komiks artist na si Berlin Manalaysay, naging paborito ng kabataang Pilipino ang Combatron dahil sa kakaibang pagsasama ng aksyon, katatawanan at makabuluhang kuwento.
Hindi na bago sa MAVX Productions ang paggamit ng nostalgia bilang bahagi ng kanilang storytelling. Isa sa kanilang matatagumpay na proyekto ang pelikulang A Journey, na pinagbidahan nina Kaye Abad, Paolo Contis at Patrick Garcia.
Sa Combatron, umaasa ang MAVX na muling maabot ang parehong audience ng dekada ‘90 habang ipinapakilala ang karakter sa mas batang henerasyon.
Wala pang inilalabas na detalye tungkol sa cast at target release date ng proyekto, pero marami na ang umaasang mahalagang hakbang ito sa patuloy na paglago ng Philippine animation industry at sa pagbabalik ng isa sa mga pinaka-iconic na bayani ng Pinoy komiks.
Ihahabol kaya nila ito sa submission sa Metro Manila Film Festival?
- Latest






















