Sy babandera sa Team Philippines sa 11th Asia-Oceania Sambo meet

MANILA, Philippines — Babanderahan ni top local bet Sydney Sy ang kampanya ng Pilipinas sa parating na 11th Asia-Oceania Sambo Championships na inihahandog ng Philippine Sports Commission sa Ninoy Aquino Stadium.
Ang 27-anyos na si Sy ang defending champion sa women’s heavyweight division tampok ang panalo kay Mongolian Buyanzaya Ser-Ochir para sa gold medal sa 10th edition ng torneo noong nakaraang taon sa Tashkent, Uzbekistan.
Bukod sa tubong Davao City, panalo rin ng ginto sa nasabing torneo si Aislynn Yap sa women’s -80kg combat class.
“Malaking bagay na makakalaro ang aking anak na si Sydney sa Asia-Oceania Sambo Championships,” ani Pilipinas Sambo Federation president Paolo Tancontian kay Sy.
“Malaking inspirasyon siya sa national team at sa bayan. Kapag nandiyan siya, iba talaga ang kumpiyansa ng mga atleta natin,” dagdag pa nito.
Higit sa 500 grapplers mula sa 31 member countries sa Sambo Union of Asia at Oceania ang sasabak sa torneong magbubukas sa Biyernes.
Mabibili ang tiket sa nasabing four-day competition sa halagang P100.
“We made the ticket price very affordable for sports fans because this event will not only be a treat in watching the best of our grapplers from Asia and Oceania in action but also a chance to root for our own grapplers as well,” wika ni Tancontian.
Mapapanood din ang mga aksyon sa 11th Asia-Oceania Sambo Championships sa sambo.live website at Facebook Live sa official PSC at Pilipinas Sambo Federation pages.
- Latest




















