Lacson: SC dapat makialam na sa 2/3 votes sa impeachment

MANILA, Philippines — Dapat makialam na ang Korte Suprema tungkol sa kailangang bilang ng boto para mahatulan si Vice President Sara Duterte sa kanyang impeachment trial.
Dahil kung hindi manghihimasok ang Korte Suprema, ayon kay Senador Ping Lacson, posibleng mauwi ito sa tiyak na pag-abswelto ng Bise Presidente.
Tiniyak naman ni Lacson na magpapatuloy pa rin ang paglilitis kahit hindi pa malinaw ang usapin sa bilang ng boto, subalit dapat itong linawin dahil maaaring mahirap ipatupad ang konstitusyunal na rekisito kung hindi lahat ng 24 na halal na senador ay makakalahok at makakaboto.
“Sabi ko nga, kung for formality na lang ang acquittal bakit pa tayo magta-trial? D’yan dapat mag-intervene ang Korte Suprema kung ire-raise,” ani Lacson sa panayam ng dzBB.
Mas mainam din aniya na ang mataas na hukuman ang magbigay ng interpretasyon upang hindi maparatangan ang mga senador na naglilitis na sila ay namumulitika.
“Sa akin, kung ako ang tatanungin, mas mainam nang sila ang mag-interpret niyan. Dahil kung kami, makukwestyon,” dagdag pa ng senador.
Nakatakdang magsimula ang impeachment trial ni Duterte sa Hulyo 6.
Sa ilalim ng 1987 Konstitusyon, walang sinumang maaaring mahatulan sa impeachment trial nang hindi nakukuha ang 2/3 ng boto ng lahat ng kasapi ng Senado. Sa 24 na senador, karaniwang itinuturing na 16 na boto ang threshold.
Ngunit tanong ni Lacson, dapat pa rin bang sundin ang base number na ito kung may mga senador na hindi makakalahok tulad nina Si Sen. Jinggoy Estrada na pansamantalang suspendido at nakapiit, habang si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa ay hinahanap ng International Criminal Court at nagtatago.
“Kung sino lang ang present, iyon lang ang pwedeng mag-participate,” ani Lacson, ngunit idinagdag na nananatiling diskusyon ang base number para sa two-thirds vote.
Dagdag pa niya, mawawalan ng saysay ang paglilitis kung hindi malinaw na threshold ay awtomatikong magreresulta sa acquittal.
- Latest



















