Claudine, ‘di makapaniwala sa ganda ni Gretchen

Mapapanood na sa mga sinehan simula ngayong Miyerkules ang Home Along Da Riles: Da Reunion na pinagbibidahan nina Claudine Barretto, Vandolph at Boy 2 Quizon, Maybelyn dela Cruz, Smokey Manaloto, Gio Alvarez, Cita Astals, Dang Cruz at Nova Villa.
Matatandang namayagpag noon sa ABS-CBN ang Home Along de Riles sitcom na pinagbidahan ni Dolphy. Ayon kay Claudine ay kailangang pakaabangan ng mga manonood ang bagong pelikula. “Gano’n pa rin hanggang ngayon, nabu-bully pa rin ng mga kuya, ng mga bata. Minsan sumasama ang loob sa mga bagets. Kasi feeling nila mas matanda sila sa akin. Now na wala na si tatay, tatawa kami nang tatawa, alam naming nandiyan ‘yung presensya ni tatay, kasama namin. Tapos biglang tatahimik kami, tapos ayun na, magiging sentimental na naman lahat, magiging emotional na naman.
“Ang gusto lang talaga namin is pasayahin ang tao. Ibalik ‘yung values sa bahay ng bawat Filipino, matandaan ng Filipino na ang Home Along Da Riles The Reunion, the Cosmes ang Pambansang Pamilya pa rin. ‘Yon lang ang gusto namin. Makikita n’yo ang totoong boyfriend ko dito, promise. ngayon pa lang po ay nagpapasalamat kami. Para ho talaga sa inyo ‘to, talagang ginawa namin para sa inyo para tumawa, lumuha. Tandaan natin ‘yung values na in-instill sa atin ng isang Tito Dolphy,” nakangiting pagbabahagi sa amin ni Claudine sa Fast Talk with Boy Abunda.
Mahigit isang dekadang napanood sa telebisyon ang naturang sitcom na nagsimula noong 1992. Maraming natutunan si Claudine mula sa namayapang Comedy King dahil matagal silang nagkatrabaho. “Professionalism, sinabi ni tatay ‘to na, ‘When you meet a person, anak, tandaan mo, kailangan meron kang impact na naiiwan sa tao na ‘yon. You have to make them feel special.’ Every week nagkikita kami. Sinasabi ko ‘to all the time. Teenage years kasi namin ‘yon. So no’ng panahon na ‘yon, lagi kaming problemado. So kung sinong may problema, ‘yon ang idi-date niya for dinner. Tapos kakausapin nang mag-isa, sasabihin niya, ‘Kamusta ‘yung puso mo? Gusto mo bang pag-usapan, ayaw? Hindi pa ready, oh sige, next week ready na ‘yan ha. Ito ang homework mo.’ ‘Yon si tatay,” pagbabalik-tanaw ng tinaguriang Optimum Star.
Samantala, Setyembre noong isang taon nang pumanaw ang kuya ni Claudine na si Mito Barretto. Enero naman nitong taong lamang ay namatay rin ang ina ng aktres na si Inday Barretto.
Ayon kay Claudine ay mas nangungulila siya sa kanyang mga mahal sa buhay lalo na ngayon. “After doing ‘yung show ko sa kabilang network, ngayon ko lang talaga nararamdaman sa totoo lang. I wouldn’t be able na makayanan lahat ‘to kung wala ‘yung Cosme family ko. There are days na hindi ko talaga kaya. And kahit madaling araw, 24/7 naka-standby ‘yang dalawang ‘yan (Vandolph at Boy 2) and si Maybelyn. May times na may gusto kang ikwento (kay Mommy Inday) then you reach for your phone, tapos, ‘Ay! Wala na pala akong tatawagan.’ Habit, that happens to me all the time. Habang may mga magulang kayo, please mahalin ninyo ang magulang ninyo lalo na ang nanay n’yo. Hindi n’yo alam kung gaano kaimportante ang isang nanay talaga sa pamilya. Kung meron lang akong maipagmamalaki sa buhay ko, naging mabuti akong anak sa parents ko,” makahulugang pahayag ng aktres.
Nagkwento rin sa amin si Claudine tungkol sa nakatatandang kapatid na si Gretchen Barretto. “Unbelievable, she’s of course still the Queen. I don’t know how she does it but she does it really well. I mean that’s what twins are for. I’m so proud of my sister. You should see her now. She’s always been beautiful pero ngayon ewan ko talaga kung ano ang sumapi sa kapatid ko at extra, extra ‘yung pagkaganda niya,” pagbabahagi niya. — Reports from JCC
- Latest






















