32 patay sa magnitude 7.8 lindol sa Mindanao

MANILA, Philippines — Umabot na sa 32 ang naiulat na nasawi matapos ang magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Maasim, Sarangani kahapon ng umaga, na nagdulot ng malawakang pinsala sa mga gusali at mahahalagang imprastraktura, ayon sa Office of Civil Defense (OCD).
Sa datos ng OCD, tatlo ang nasawi sa Davao Occidental, 10 sa General Santos City, dalawa sa Tupi, South Cotabato, at 17 ang kumpirmadong namatay sa mga landslide sa Sarangani.
Karamihan sa mga biktima ay nabagsakan ng mga istraktura, debris, at pagguho ng lupa. Sa 17 biktima ng pagguho ng lupa, 13 ay mula sa Glan at apat mula sa Malapatan, ayon kay Sarangani PDRRMO head Rene Punzalan.
Naitala rin ang 234 sugatan at 12 nawawala, bagamat sinabi ng OCD na patuloy pa ang beripikasyon ng mga ulat.
Mahigit 10,000 pamilya mula sa Sarangani, Sultan Kudarat at iba pang apektadong lugar ang inilikas bilang pag-iingat.
Ayon sa Phivolcs, ang lindol na tumama sa baybayin ng Maitim, Sarangani dakong alas-7:37 ng umaga ay bunga ng paggalaw ng Cotabato trench kung saan nahati ang fault line sa Celebes Sea at tumawid sa timog kanluran ng baybayin ng Mindanao kaya nagtaas ng tsunami alert.
Inutos na ni PNP chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang pagtataas ng ‘heightened alert’ sa lahat ng police units sa Mindanao gayundin ang pagtulong sa response operations at pagbabantay sa mga critical infrastructure.
Samantala, kinansela ang 17 flight matapos ang pansamantalang pagsuspinde ng operasyon sa General Santos Airport kasunod ng malakas na lindol sa Mindanao.
Sinuspinde na rin ng Korte Suprema ang mga operasyon ng korte sa mga lugar na naapektuhan ng lindol.
Patuloy ang search, rescue, at retrieval operations ng mga awtoridad sa mga apektadong lugar.
- Latest



















