82-anyos ama patay sa palo ng anak!

MANILA, Philippines — Patay ang isang 82-anyos na ama matapos na walang awang paghahatawin ng kahoy sa ulo ng sadista nitong anak sa gitna ng kanilang mainitang pagtatalo sa bayan ng Badian, Cebu, ayon sa ulat kahapon.
Dead-on-the-spot sa insidente ang biktimang kinilalang si Nemecio Benemerito Libron, residente ng Brgy. Basak ng bayang ito.
Nakilala naman ang suspect na si Climaco Libron, isang tricycle driver, 43 taong gulang, isang kilalang siga sa kanilang lugar.
Sa ulat ng Cebu Police, nangyari ang insidente sa Brgy. Basak, Badian noong Hunyo 4.
Base sa imbestigasyon, nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng mag-ama kung saan sa kasagsagan ng argumento ay kumuha ng matigas na kahoy ang suspect at pinaghahataw sa ulo ang walang kalaban-labang matanda.
Sinabi sa ulat na sa kabila nang nakahandusay na ang matanda ay hindi pa rin siya tinantanan sa paghataw ng anak at nang matiyak na napuruhan ang biktima saka mabilis na tumakas sa lugar.
Nasakote naman ang suspect sa isinagawang follow-up operation ng pulisya sa tahanan nito sa Brgy. Taytay ng nasabi ring munisipalidad.
- Latest

















