5 suspek sa Cavite hazing, timbog

Cavite CAMP VICENTE LIM, Laguna – Sa 21 akusado, lima pang dating miyembro ng Tau Gamma Phil. fraternity ang nasakote kaugnay ng pagkamatay ng 19-anyos na freshman Maritime student ng Philippine Nautical and Technological College na si Mark Kenneth Alcedo noong Marso 1 hazing incident sa General Trias, Cavite.
Kinilala ni Col. Ariel Red, Cavite police director, ang mga naarestong akusado sa kanilang mga alyas na “Archie,” 22, “John,” 19, “Johnlee,” 22, “Dario,” 26; at “Kenneth,” 19, idinagdag pa nito na ang mga akusado ay nakalista sa Regional Most Wanted persons level.
Sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Francisco Victor Collado Jr., Presiding Judge ng Regional Trial Court, Fourth Judicial Region, Branch 90, Dasmariñas City, Cavite, na may rekomendasyong “No Bail.”
Nasa kustodiya na ngayon ng General Trias Component Police Station ang mga suspek. Kinasuhan ang mga akusado sa ilalim ng Republic Act No. 11053 o ang Anti-Hazing Act of 2018 dahil sa kanilang pagkakasangkot sa insidente ng hazing.
Ayon sa ulat, nasa kabuuang 11 suspek sa Cavite hazing death ang sumuko sa mga awtoridad ng pulisya. Kabilang dito ang driver ng sasakyan na iniwan si Alcedo na namatay sa umano’y hazing sa Cavite sa isang ospital.
Matatandaan na dinala si Alcedo sa isang ospital sa General Trias ng tatlong indibidwal na una nang nagsabing biktima siya ng hit and run incident.
- Latest


















