Dizon: ‘Big fish’ sa Bulacan flood scam, kakasuhan

MANILA, Philippines — Inanunsiyo ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na nakatakda nang sampahan ng kasong kriminal ng Office of the Ombudsman ang ilang malalaking personalidad na isinasangkot sa flood control scandal sa Bulacan.
Ang pahayag ay ginawa ni Dizon sa isang media interview nang mag-inspeksiyon sa Matalahib Creek kahapon, kasama sina Quezon City Mayor Joy Belmonte at Dr. Mahar Lagmay ng UPRI-NOAH.
Tumanggi muna si Dizon na pangalanan ang mga taong sasampahan ng bagong kaso ngunit sinabing ‘malaking isda’ rin ang mga ito at mula sa Bulacan.
Maaari aniyang maisampa ang kaso sa Malolos Regional Trial Court (RTC) ngayong Huwebes.
“Mayroon pang mga padating na kaso. In fact, tomorrow (Huwebes) mayroon ulit ipa-file sa Bulacan naman. Hintayin niyo na lang kung sino. Malaking isda rin,” pahayag ni Dizon, sa isang media interview.
Babala pa ni Dizon, “Sana matuto na sila at matakot na sila kasi talagang hindi titigil si President Ferdinand Marcos, Jr. na ipakulong ‘yung mga dapat ipakulong.”
- Latest























