Sanggol inuntog ng tiyahin, patay
Bangkay isinilid sa ecobag…
MANILA, Philippines — Halos naaagnas na nang matagpuan sa loob ng isang ecobag ang bangkay ng isang 11-buwang gulang na sanggol na babae matapos na ito ay masawi sa ginawang pag-untog ng sariling tiyahin na nagsisilbi nitong yaya nitong Lingggo ng hapon sa Quezon City.
Inaresto ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) ang suspek na si alyas “Michelle”, 26, tubong Leyte at residente ng Brgy. Pasong Putik, ng nabanggit na lungsod na tiyahin at tumatayong yaya ng biktimang si “JKA”.
Sa imbestigasyon ng QCPD-CIDU, nadiskubre ang bangkay ng sanggol alas- 4:15 ng hapon nitong Linggo, Mayo 31 sa loob mismo ng bahay ng suspek.
Ini-report ng suspek na dalawang hindi pa nakikilalang lalaki ang dumukot sa sanggol at nagbitaw ng salita na “Kuhaon nako ang akong Anak, dili man ipakita sa iyang mama”. (Kukunin ko ang anak ko, hindi ko siya ipapakita sa nanay niya.)
Bunsod nito, nagsagawa ng beripikasyon at follow-up operations ang mga tauhan ang pulisya at nagsasagawa ng backtracking at forward-tracking ng CCTV footages sa lugar nang makalanghap ng amoy si PSSg Joseph Ignacio G. Arquero kaya ginalugad ang nasabing bahay.
Nakita ng mga pulis sa ikalawang palapag ng bahay ang isang ecobag kung saan nakasilid ang naaagnas nang bangkay ng sanggol.
Dito na napilitang umamin ang suspek na inuntog niya ng paulit-ulit ang ulo ng pamangkin sa sahig hanggang sa mangisay ito saka isinilid sa ecobag.
Nagpag-alaman na isang OFW ang ina ng sanggol at pamangkin ito ng ka-live-in ng suspek.
Nasa kustodiya na ng QCPD Criminal Investigation and Detection Unit ang suspek na nahaharap sa kasong murder.
- Latest


















