Higit 300 volunteers magbabantay sa impeachment trial
MANILA, Philippines — Tinatayang 350 boluntaryo mula sa iba’t ibang sector ang nakilahok para magbantay sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado.
Matapos na pormal na ilunsad kahapon sa De La Salle University (DLSU) sa Taft Avenue, Manila ang Bantay Senado, isang “non-partisan citizens monitoring network” at pinangunahan ng Team Pinas Foundation na naglalayong bantayan at obserbahan ang nalalapit na impeachment trial ng Bise Presidente.
Kabilang sa mga sektor na kinakatawan sa grupo ang mga estudyante, kabataang propesyonal, legal experts, civil society organizations, at iba pang mamamayang nais masiguro ang maayos na pagsasagawa ng impeachment trial.
Layunin ng Bantay Senado na tiyakin na maisasagawa ang pagdinig sa impeachment complaint laban sa pangalawang pangulo nang naaayon sa Konstitusyon, patas, transparent, at walang kinikilingan.
Iginiit ng grupo na wala silang kinikilingang panig sa usapin ng pagkakasala o kawalang-sala ni Duterte at nakatuon lamang sila sa integridad ng proseso at magsisilbi “citizen watchdog” ang network para mabantayan ang kilos at pagganap ng mga senador na magsisilbing hukom sa impeachment proceedings.
- Latest

















