P330-M cocaine nalambat sa dagat

Lulutang-lutang sa Cam Norte
MANILA, Philippines — Tinatayang aabot sa higit P330-milyong halaga ng high grade liquid cocaine ang narekober ng mga awtoridad matapos na karagdagan pang 16.5 litro nito ang natagpuan ng mga mangingisda na palutang-lutang ang mga ito sa karagatan ng Calaguas Island, Camarines Norte, kamakalawa.
Sa press briefing, iprinisinta nina Philippine National Police (PNP) Chief P/Director Oscar Albayalde at bagong talagang si Police Regional Office (PRO) IV A Director P/ Chief Supt. Guillermo Eleazar ang nakumpiskang likidong cocaine sa Camp Vicente Lim, Calamba City, Laguna.
“Sa ngayon hindi pa natin alam ‘yung actual source nito. That will be part of our investigation para malaman natin kung saan talaga itong source nitong cocaine na ito. This is something new sa atin dahil usually nakikita natin before is shabu, ngayon ay cocaine,” pahayag ni Albayalde.
Ayon kay Albayalde ang 16. 5 litro ng likidong cocaine ay kayang mag-prodyus ng 13 kilo ng cocaine ay tinatayang nasa P130-milyon ang halaga.
Samantalang ang unang narekober ng mga mangingisda ng Perez, Quezon sa karagatan ng Camarines Norte noong nakaraang linggo na aabot sa 28 kilo na nagkakahalaga ng mahigit P200-milyon ay iprinisinta rin sa nasabing press briefing.
Samantalang isang tracking device rin ang narekober sa karagatan ng Calaguas Island ng apat na mangingisda na pinaniniwalaang gamit ng sindikato ng droga na nasa likod ng narekober na cocaine na itinurnover na sa Quezon Police Provincial Crime Laboratory.
- Latest




















