Batang nawawala sa Australia, nailigtas ng asong bingi at bulag
GINAWARAN ng parangal ang isang aso sa Australia nang mailigtas nito ang isang batang nawala sa kakahuyan.
Nasa bahay lang niya sa Queensland ang 3-anyos na si Aurora nang mapansin ng mga magulang niya na nawawala na pala ito nito lamang nakaraang Biyernes.
Ginalugad ng pamilya ni Aurora ang kakahuyang malapit sa kanilang bahay ngunit wala silang natagpuang bakas ng bata.
Kinaumagahan ay nagsagawa na ng malawakang search and rescue para kay Aurora, na nilahukan ng mga pulis at 100 mga volunteers.
Natagpuan si Aurora mga dakong alas-otso ng umaga nang Sabado na ligtas, salamat sa aso ng pamilya na si Max, na binantayan ang kanyang batang amo magdamag.
Nasa 17 taon nang alaga ng pamilya ni Aurora si Max, na dahil sa katandaan ay nabibingi at bahagya na ring nakakakita.
Mabuti na lamang at tapat pa ring alaga si Max dahil natagpuan si Aurora nang kanyang lola na si Leisa Bennett matapos niyang masalubong sa gitna ng kakahuyan si Max at sundan ito papunta sa ki-naroroonan ng kanyang apo.
Nagtamo ng ilang sugat at galos si Aurora ngunit nasa maayos naman siyang kalagayan matapos ang insidente.
Bilang parangal sa kabayanihan ni Max ay ginawa siyang “Honorary Police Dog” ng mga pulis sa kanilang lugar.
- Latest

















