Kandidato, 3 kaanak inutas
Pinahilera saka niratrat
MANILA, Philippines — Nabahiran ng dugo ang nalalapit na Brgy at SK elections makaraang pagbabarilin ang apat na katao kabilang ang isang dating kapitan na tatakbong muli sa nasabing posisyon at tatlo pa nitong kaanak naganap sa pamilya sa Barangay Camamburingan sa Ungkaya Pukan sa Basilan, kamakalawa ng madaling araw.
Tinadtad ng punglo hanggang sa bumulagta sa estilong ‘execution by firing squad’ ang mga biktimang kinilalang sina Usan Asani, 45-anyos, dating barangay captain ng Barangay Camamburingan at tatlo pang miyembro ng kaniyang pamilya na sina Andatun Asani, 47; Jannalun Matindo, 60 at Nadzmi Matindo, 19.
Sa ulat ni Brigadier General Juvymax Uy, commander ng Joint Task Group Sulu, naganap ang insidente dakong alas-5:20 ng madaling araw nitong Linggo.
Ayon sa pahayag ng mga nakasaksi, bigla na lamang sumulpot sa lugar ang mga armadong salarin na nagpanggap na mga sundalo at pinalabas sa kanilang mga tahanan ang mga biktima.
Pinahilera ng mga suspek ang mga biktima saka niratrat na siyang dagliang ikinasawi ng mga ito.
Nabatid na nangyari ang pamamaslang sa mga biktima makaraan umanong maghain ng Certificate of Candidacy si Usan bilang kanditato sa pagka-chairman.
Sinabi naman ni S/Insp. Jemar delos Santos, tagapagsalita ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Police Office, inaalam na nila ang pagkakakilanlan sa mga armadong salarin kung miyembro ang mga ito ng mga bandidong Abu Sayyaf Group o kalaban ng kanilang angkan kaugnay ng posibleng rido o away-pulitika ang motibo sa krimen.
Ipinag-utos na rin ni Chief Supt. Graciano Mijares, Director ng Police Regional Office ARMM ang pagtugis sa mga salarin upang mabigyang hustisya ang sinapit ng mga biktima.
- Latest






















