Asset ng militar tinodas
Legazpi City, Albay , Philippines — Duguang bumulagta sa harap mismo ng kanilang bahay ang isang 36-anyos na sinasabing ‘asset’ ng militar matapos pagbabarilin ng tatlong armadong kalalakihan sa Brgy. Caditaan sa bayan ng Magallanes, Sorsogon noong Linggo ng hapon. Dead-on-the-spot makaraang mapuruhan sa ibat-ibang bahagi ng katawan ang biktimang kinilalang si Ruel Martinez, residente ng nasabing barangay. Sa police report na nakarating sa Camp Gen. Simeon Ola, dakong alas-2:00 ng hapon, habang nagsisiyesta si Martinez sa kanilang bahay nang biglang dumating ang tatlong gunmen at pinasok ang biktima. Sapilitan itong inilabas ng bahay at saka pinagbabaril hangang mapaslang.
Tumakas ang mga suspek makaraang masigurong patay na ang biktima. Isa sa angulong tinitingnan ng mga pulis ay posibleng liquidation squad ng mga NPA ang gunmen dahil sa pagiging asset umano ng biktima.
- Latest



















