24/7 disiplina sa PNP, paiiralin
MANILA, Philippines — Mahigpit na disiplina at reporma sa lahat ng units ng pulisya sa buong bansa ang paiiralin 24/7 ng bagong talagang si Philippine National Police (PNP) Chief P/Director General Oscar Albayalde.
Ito’y matapos na isalin sa kanya kahapon ng nagretirong si PNP Chief ret. Gen. Ronald “Bato” dela Rosa ang kapangyarihan bilang ika-27 hepe ng 190,000 malakas na puwersa ng PNP sa ginanap na turnover ceremony sa Camp Crame.
Sa nasabing okasyon ay ipinagkaloob na rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ikaapat na estrelya ni Albayalde sa “donning of ranks” na iginagawad sa pinakamataas na pinuno ng PNP .
Si Albayalde ay mistah ni Dela Rosa sa Philippine Military Academy (PMA) Sinagtala Class 1986 .
“Today, as I humbly accept this new responsibility to lead the PNP, I shall commit to continue my low-key but stern kind of leadership. I will scale up the thrusts of the NCRPO to also be the thrusts of the PNP”, pahayag ni Albayalde sa kaniyang talumpati.
“We will focus on imposing strict discipline, reform and internal cleansing; intensified campaign against criminality and illegal drugs; practical program for crime prevention and suppression; and strengthen public engagement”, ani Albayalde.
Sinabi ni Albayalde na pangungunahan niya ang liderato ng PNP kung saan siya mismo ang magsisilbing ehemplo para maipatupad ang 24/7 mahigpit na disiplina at pagiimplementa ng reporma sa lahat ng antas para itaguyod ang isang mabuting pulis na iginagalang at hinahangaan ng publiko.
Binigyang diin ni Albayalde na dapat ipakita na kagalang galang ang mga pulis upang irespeto ang mga ito ng publiko dahilan ang tunay na serbisyo publiko ay kaakibat ng respeto.
Ayon kay Albayalde, ipatutupad rin niya ang pagsasanay na tututok sa paghubog ng disiplina sa bawat pulis at asahan na 24/7 ay nakaalerto ang kapulisan at abot kamay ng publiko lalo na sa mga sitwasyon ng emergency.
- Latest