Kampo ni Sereno inasahan na ang mababang ratings
MANILA, Philippines — Hindi na ikinagulat ng kampo ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang pagbagsak ng satisfaction ratings ng punong mahistrado sa record-low.
“A dip in ratings is not surprising when there is a well-orchestrated and well-funded campaign against Chief Justice Sereno,” pahayag ng abogado at tagapagsalita ni Sereno na si Josalee Deinla.
Nakakuha ng -7 si Sereno para sa unang quarter ng 2018, ayon sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations.
Mas mababa ito ng 13 puntos kumpara sa kaniyang nakuha nitong Disyembre 2017 na +6.
Isinagawa ang survey noong Marso 23 hanggang 27 kung saan lumusot sa Justice committee ng Kamara ang impeachment laban sa punong mahistrado.
Nitong nakaraang buwan din ay kinuwestyon ni Solicitor General Jose Calida ang legalidad ng pagkakatalaga kay Sereno sa Korte Suprema nang maghain siya ng quo warranto petition.
Nagsimula rin ang indefinite leave ni Sereno nitong Marso 1.
Sa kabila ng pagbagsak ng ratings, umaasa si Sereno na maipagtatanggol niya ang sarili pagdumating na ang impeachment sa Senado.
“(She is) optimistic that if she will be given her day in court—the Senate impeachment tribunal—she can defend herself and prove that all the allegations against her are baseless and wrong,” sabi ni Deinla.
“The Filipino people, too, deserve to know the truth.”
- Latest