NFA council chief sinibak ni Duterte
MANILA, Philippines — Hindi na pamumunuan ni Secretary to the Cabinet Leoncio Evasco National Food Authority (NFA) Council.
Ito ang kinumpirma kahapon ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ang pagtanggal kay Evasco ay desisyon ng Pangulong Rodrigo Duterte na ibalik ang pamamahala sa NFA sa Department of Agriculture.
Binasa ni Roque ang statement ni Evasco na nagpapasalamat sa Pangulo sa ibinigay nitong tiwala para pangasiwaan ang NFA Council sa kanya.
Ang NFA, Philippine Coconut Authority, National Irrigation Authority, at Fertilizer and Pesticide Authority ay inilipat sa ilalim ng Office of the President noong panahon ni dating Pangulong Aquino.
Pinulong kamakalawa ng gabi ni Pangulong Duterte ang NFA council sa Malacañang kung saan ay inihayag nito na tinatanggal na nito bilang miyembro at pinuno ng 18 member council si Evasco.
Bukod kay Evasco, hindi na din miyembro ng NFA council ang Development Bank of the Philippines (DBP) at ipinalit ditong miyembro ang Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Inatasan na din ng Pangulo si NFA administrator Jason Aquino na umangkat na ito ng bigas upang magkaroon muli ng stock ang NFA.
Magugunita na nagkaroon ng sigalot sa pagitan nina Sec. Evasco at NFA chief Aquino hinggil sa isyu ng pamamaraan ng pag-angkat ng bigas upang mapunan ang kakulangan sa buffer stock ng ahensiya.
Nilinaw pa ni Sec. Roque na hindi nilulusaw ni Pangulong Rodrigo Duterte ang NFA Council, bagkus nagkaroon lamang ng reorganisasyon.
- Latest