Kapag namaga ang appendix (Last part)
PUWEDE tayong mabuhay kahit wala ang appendix. Ito ay isang maliit na organong sumusukat ng 3-4 pulgada at nakadugtong sa unang bahagi ng large intestine.
Ang siste, maraming tao ang sumusuong sa operasyon kapag nagsimula nang mamaga ang appendix. Ako mismo ay naoperahan na sa appendix sa edad na 17. Nasa kolehiyo ako noon. Appendectomy ang tawag sa operasyong nagtatanggal sa namagang appendix.
Heto ang ilan pang maaaring itanong natin tungkol sa appendicitis:
Puwede bang daanin sa antibiotiko ang appendicitis para hindi na maoperahan?
Hindi. Kadalasan, kapag nagsimulang mamaga ang appendix ay tuloy-tuloy na ito. Kung hindi oopearahan agad, baka sumabog ang namamagang appendix at kumalat ang mikrobyo sa mga katabing organo. Mas delikado ito. Kailangan munang gawin ang masusing physical exam sa pasyente kasama ang blood exam at urine exam upang makatiyak na appendicitis nga ito. Mahirap mag-opera ng pasyente kung di sigurado na kaso ito ng appendicitis.
Sino ang puwedeng magka-appendicitis? Mga bata lang ba?
Kahit sino, bata o matanda, lalaki man o babae, ay puwedeng magkaroon ng appendicitis. Pero mas madalas itong makita sa pagitan ng edad 10 at 30. Kahit ang mga batang maliliit ay di rin puwera sa appendicitis. Kaya lagi itong kasama sa iniisip na diagnosis kapag ang bata ay nakaranas ng paglalagnat na may kaakibat na pagsusuka. Yung iba, kung kailan nagkaedad na, ay noon pa naooperahan sa appendix.
Delikado ba ang operasyong nagtatanggal ng appendix?
Hindi naman. Kung hindi pumutok ang appendix, madali lamang ang operasyon at mabilis din ang paggaling. Maliit lang din ang ginagawang hiwa (minsan nga ay puwede pang matago sa underwear ang pilat na dulot ng operasyon). Pero kung hindi naagapan at pumutok ang appendix, kakailanganing gumawa pa ng mas malaking hiwa sa tiyan upang malinis ang iba pang mga organong posibleng nakalatan ng impeksyon. Dito rin kakailanganin ang matinding antibiotiko para hindi manganib ang buhay ng pasyente. May iba pang komplikasyon na puwedeng mangyari sa ganitong pagkakataon.
Huwag nang hintaying lumala muna ang nararamdamang pagsakit ng tiyan lalo na kung nagsususpetsa kayo na baka kaso ito ng apendisitis.
Paano tayo makakaiwas sa pagkakaroon ng appendicitis?
Walang tiyak na paraan upang makaiwas tayong mamaga ang appendix. Basta na lang itong nangyayari. Walang kinalaman ang paglundag-lundag matapos kumain o ang pagkain nang maraming buto ng kamatis at bayabas.
- Latest