Timberwolves tinapos ang tagtuyot
Sasagupa sa Rockets
MINNEAPOLIS-- Humataw si Jimmy Butler ng 31 points at kumolekta si Karl-Anthony Towns ng 26 points at 14 rebounds para tapusin ng Minnesota Timberwolves ang pinakamahabang playoff drought sa NBA sa pamamagitan ng 112-106 overtime win laban sa Denver Nuggets.
Nang tumunog ang final horn ay dinama ng mga Timberwolves fans sa Target Center ang unang postseason appearance ng koponan matapos noong 2004.
Ngumiti si Butler at niyakap ang kanyang mga teammates kasabay ng paghulog ng confetti sa sahig.
Kumamada naman si Nikola Jokic ng 35 points at 10 rebounds para sa Nuggets.
Lalabanan ng Timberwolves sa first round ang NBA-best team na Houston Rockets.
Isinalpak ni Will Barton, umiskor ng 24 points, ang isang 3-pointer para ibigay sa Denver ang 104-103 abante kasunod ang floater ni Jeff Teague sa huling 1:19 minuto sa overtime para ibigay sa Minnesota ang 105-104 bentahe.
Kumonekta si Andrew Wiggins ng dalawang foul shots sa natitirang 15 segundo para tumapos na may 18 points at selyuhan ang panalo ng Timberwolves.
Sa New Orleans, nagtala si Anthony Davis ng 22 points, 15 rebounds, 4 blocks at 3 steals habang tumapos si Rajon Rondo na may 19 points at 14 assists para tulungan ang Pelicans na talunin ang San Antonio Spurs, 122-98.
Ang panalo ang nagbigay sa New Orleans ng sixth seed sa Western Conference playoffs.
Makakaharap naman ng San Antonio ang Golden State sa first round.
Sa iba pang laro, tinalo ng East second seed Boston ang Brooklyn, 110-97; binigo ng New York ang No. 4 Cleveland, 110-98; dinaig ng Miami ang East top seed Toronto, 116-109, sa overtime para kunin ang No. 6 spot; pinadapa ng Orlando ang Washington, 101-92, na naghulog sa Wizards sa No. 8; inilampaso ng No. 3 Philadelphia ang No. 7 Milwaukee, 130-95 at binigo ng Detroit ang Chicago, 119-87.
- Latest