Parak na utak ng KFR gang, 2 pa timbog
MANILA, Philippines — Tatlo pang miyembro ng kidnap-for-ransom (KFR) group kabilang ang isang pulis na itinurong utak sa kaso ng pagdukot sa Candelaria, Quezon kamakalawa na ikinasawi ng isang lady cop at limang kidnappers sa shootout sa San Pablo City ang nasakote sa follow-up operations sa Laguna kahapon.
Kinilala ni PNP-Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) Chief P/Sr. Supt. Glenn Dumlao ang nasakoteng pulis na si SPO2 Leo Pamonag, nasakote sa Sta. Rosa City, Laguna na umano’y utak ng Barrios kidnapping for ransom (KFR) gang. Ang suspek ay nadakip sa follow-up operations kamakalawa ng hapon.
Ang dalawa pa ay nakilala namang sina Glenn Tangcinco, driver ng grupo at Lalaine Barrios na kapatid naman ng lider ng grupo na si Ricky Barrios na nakakulong sa Lucena City Jail at isa ring High Value Target sa drug list ng pulisya.
Si Pamonag umano ang financier ng grupo na siyang nag-supply sa mga napatay na kidnapper ng mga armas, granada, bala at uniporme ng pulis na ginamit ng grupo sa pagdukot sa isa ring HVT na si Ronaldo Arguelles na sugatang nasagip sa rescue operations.
Ayon kay Dumlao, ipinadukot ni Pamonag si Arguelles dahil ipinahuli nito ang isang “drug runner” ng scalawag na parak.
Dalawa pang miyembro ng grupo ang kanilang pinaghahanap na sina Camille Luisiges ang girlfriend ni Ricky Barrios at isang Boyet Arguelles, ama ng dating live-in partner ni Ricky at kamag-anak ng dinukot na si Rolando Arguelles.
Kumpetisyon umano sa bentahan ng illegal na droga ang motibo ng pagdukot kay Arguelles.
Magugunita na isang lady cop na si PO1 Zarah Andal ang napaslang sa rescue operations ng mga operatiba ng PNP-AKG kamakalawa na ikinasawi rin ng limang kidnappers sa shootout sa Maharlika highway,Brgy. San Nicolas, San Pablo City, Laguna.
- Latest