Star, Globaport nagpalitan ng players
MANILA, Philippines — Kagaya ng inaasahan, hindi natatapos sa pagpili sa nakaraang 2017 PBA Rookie Draft ang kapalaran ng mga draftees.
Kaagad pumasok ang Star at Globalport, muling gagabayan ni Pido Jarencio bilang kapalit ni head coach Franz Pumaren, sa isang multi-player trade.
Dinala ng Batang Pier sina No. 6 Fil-Am Robbie Herndon at No. 24 big man Andreas Cahilig sa Hotshots para makuha sina No. 9 Lervin Flores, No. 14 Joseph Gabayni at No. 16 Julian Sargent.
Ibinigay ng Globalport sina Herndon at Cahilig dahil sa patuloy na pagbandera sa koponan nina scoring guards Terrence Romeo at Stanley Pringle habang kailangan nilang palakasin ang kanilang front court.
Muling uupo si Jarencio sa bench ng Batang Pier sa darating na 43rd season ng PBA na magsisimula sa Disyembre 17.
Bago ibinalik bilang head coach ay nagsilbi muna ang dating mentor ng University of Santo Tomas Tigers sa UAAP bilang basketball chief of operations ng Globalport.
Nauna nang nagsumite si Pumaren ng one-year leave of absence sa Batang Pier para tutukan ang kampanya ng kanyang Adamson Falcons sa kasalukuyang UAAP season.
Sa paggiya ni Jarencio ay nakapasok ang Globalport sa kanilang kauna-unahang semifinals appearance noong 2016 PBA Philippine Cup.
Samantala, maaaring nakita na ng mga fans ng Barangay Ginebra ang huling paglalaro ni veteran point guard Jayjay Helterbrand sa nakaraang 2017 PBA Governor’s Cup Finals.
Sa panayam kahapon ng Sports Desk ng CNN Philippines ay inihayag ng 41-anyos na si Helterbrand ang kanyang pagreretiro matapos ang 17 seasons sa Gin Kings at sa PBA.
“I think this is the perfect time for me to hang it up, and on my own terms. I don’t want to retire from basketball because of injuries,” sabi ni Helterbrand.
Nagwakas na rin ang pakikipagtambal ni Helterbrand kay Mark Caguioa sa binuo nilang “The Fast And The Furious”.
Sa kanyang PBA career ay hinirang siyang Mr. Quality Minutes noong 2003, binigyan ng Comeback Player trophy noong 2005, Most Valuable Player award noong 2009, dalawang All-Star Game MVP honors at anim na championships.
- Latest