Pasaol inihatid ang UE sa panalo laban sa UST
MANILA, Philippines — Umiskor si Alvin Pasaol ng 32 puntos para iangat ang University of the East sa 96-91 panalo laban sa minamalas na University of Sto. Tomas, habang tinambakan ng Adamson ang FEU, 95-79, kahapon sa 80th UAAP seniors basketball tournament sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nagtala rin si Pasaol, ng 10 rebounds, 2 assists at 2 steals para ipasok ang Red Warriors sa win column (1-6).
Ang España-based namang Growling Tigers ay nanatili sa ilalim ng standings sa 0-7 kartada.
Isang puntos lamang ang namamagitan ng dalawang koponan, 92-91, pabor sa UE sa huling minuto ng laban, ngunit pinalawak ni Pasaol sa tatlo, 94-91, ang kanilang abante laban sa UST sa huling 22.7 segundo sa laro.
Mula sa foul ni Marvin Lee ng Growling Tigers ay kinumpleto ni Philip Manalang ang dalawang free throws para sa final score.
“The effort against La Salles was really awesome. We used it as a springboard for our game against UST,” sabi ni Red Warriors’ coach Derrick Pumaren na tinukoy ang kanilang 100-106 pagkatalo sa La Salle Green Archers kung saan humataw si Pasaol ng 49 puntos noong Miyerkules.
Nag-ambag naman ng 20 markers si Manalang.
- Latest