2 kawani ng DPWH-ARMM, nasagip sa ASG
MANILA, Philippines - Nasagip ng militar ang dalawang kawani ng Department of Public Works and Highways –ARMM matapos na abandonahin ng teroristang Abu Sayyaf Group sa pinaigting na opensiba ng militar sa bayan ng Patikul, Sulu, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ni AFP Joint Task Force Sulu Commander Brig. Gen. Cirilito Sobejana, kinilala ang dalawang pinalayang bihag na sina Alidznur Halis, driver; at Aljimar Ahari, assistant driver, mga kawani ng Sulu 1st District ng DPWH-ARMM.
Nabatid na nabulaga ang grupo ng Abu Sayyaf sa pagdating ng tropa ni Army’s 35th Infantry Battalion na pamumuno ni Lt. Col. Vladimir Villanueva kaya mabilis na iniwan ang mga bihag sa kagubatan ng Patikul.
Base sa tala, kinidnap ng mga tauhan ni Abu Sayyaf Sub-Commander Hatib Sawadjaan ang dalawa habang nasa ginagawang proyekto sa Sitio Bauno, Brgy. Bangkal noong Sabado ng tanghali (Abril 29).
Agad namang isinailalim sa medical checkup at debriefing sa himpilan ng JTF sa Sulu ang dalawa.
- Latest