Orcollo hari ng Virginia State 10-Ball tourney
MANILA, Philippines - Muling umarangkada si dating world champion Dennis Orcollo nang pagharian nito ang 2017 Virginia State 10-Ball Championship kahapon sa Midlothian sa Virginia, USA.
Inilatag ni Orcollo ang matikas na porma upang patumbahin ang Amerikanong si Shaun Wilkie sa bisa ng 11-6 come-from-behind win sa finals.
Maagang naglatag ng magandang kamada si Wilkie nang iselyo nito ang 5-2 kalamangan.
Subalit iyon na lamang ang nakayanan ng American cue master matapos ang swabeng pagtumbok at malalakas na breaks ni Orcollo upang kunin ang walo sa siyam na sunod na racks para makuha ang kampeonato.
Napasakamay ni Orcollo ang $2,000 premyo habang nagkasya sa $1,300 konsolasyon si Wilkie.
Nakapasok sa finals si Orcollo nang gapiin nito sina Max Schothauer (8-4), Jarrod Clowery (8-4), Chris Brunes (8-3) at Reymart Lim (8-3) sa unang yugto ng torneo.
Subalit lumasap si Orcollo ng 4-8 kabiguan sa kamay ni Wilkie upang mahulog ito sa loser’s bracket.
Nakuhang makabawi ni Orcollo sa one-loss side nang gapiin nito si Mike Davis para maisaayos ang muling pakikipagtipan kay Wilkie sa finals.
Ito ang ikatlong titulo ni Orcollo sa taong ito matapos pagharian ang 2017 Derby City Classic 9-Ball Division at mapasakamay ang 2017 Derby City Classic Master of the Table noong nakaraang buwan.
Sa kabuuan, mayroon nang $48,200 na nakolektang premyo si Orcollo upang hawakan ang unang puwesto sa Az Billiards Money Leader Board.
Samantala, yumuko si Filipino-Canadian Alex Pagulayan sa quarterfinals ng 2017 World Pool Masters na ginanap sa Gibraltar.
Nagtala mula ng 8-1 panalo si Pagulayan laban kay Gibraltar qualifying winner Stephen Webber bago umani ng dikit na 7-8 desisyon sa kamay ni Jayson Shaw ng Scotland.
Itinanghal na kampeon si David Alcaide ng Spain na nagsumite ng 8-7 panalo kay Shaw sa finals.
- Latest