Lalaki mula California, kulong matapos tawagan ng 3,000 beses ang tanggapan ng gobyerno
ISANG lalaki mula sa California ang nahaharap sa pagkabilanggo at pagbabayad ng multa matapos niyang tawagan ng 3,000 beses ang isang tanggapan ng gobyerno sa Washington.
Minumura at binabantaan ng 56-anyos na si Kulwant (Ken) Singh Sandhu ang mga empleyado ng US Securities and Exchange Commission sa libu-libong tawag na kanyang ginawa simula pa noong 2012.
Maririnig sa kanyang mga tawag ang kanyang paulit-ulit na panawagang tortyurin at bitayin ang mga nagtatrabaho sa SEC.
Bukod sa nasabing tanggapan, hinarass din ni Sandhu ang isang pribadong indibidwal na tinawagan naman niya ng daan-daang beses.
Hinatulan ng guilty si Sandhu matapos ang tatlong araw na paglilitis.
Nahaharap siya sa dalawang taong pagkakakulong bukod sa pagbabayad ng $250,000 bilang multa.
Hindi pa rin malinaw sa mga kinauukulan kung ano ang nagtulak sa lalaki na mang-harass ng isang tanggapan ng gobyerno sa pamamagitan ng pagtawag ng 3,000 beses.
- Latest