EDITORYAL - Ang DOH at condom para sa HIV-AIDS campaign
PLANO ng Department of Health (DOH) na mag-distribute ng condom sa mga estudyante bilang bahagi ng kanilang kampanya na labanan ang HIV-AIDS. Ito raw ang tamang paraan para mamulat ang mga kabataan at maiwasan ang HIV-AIDS. Ayon sa report, mga kabataan na edad 15 hanggang 24 ang tinatamaan ng HIV-AIDS.
Bakit kailangan pang mamudmod ng condom sa mga school para lamang maimulat ang kabataan na mag-ingat sa AIDS? Hindi na ito kailangan. Makapangyarihan na ang social media at ito lamang ay sapat na para mamulat ang kabataan ukol sa pag-iwas sa HIV-AIDS. Paigtingin ang kampanya sa pamamagitan ng advertisement sa TV at diyaryo. Sapat na ito para mamulat ang lahat. Ang mga magulang din naman ang nararapat magturo nito sa kanilang mga anak.
Patuloy ang pagdami ng mga nagkaka-HIV-AIDS. Ayon sa report, mayroon nang 38,114 na kaso ng HIV-AIDS sa bansa mula 1984 hanggang Oktubre 2016. Noong nakaraang taon, mayroong 6,555 kaso mula Enero hanggang Oktubre 2015.
Ayon sa report, ang mga nagpa-positive sa HIV-AIDS ay mga kalalakihang nakikipagtalik sa kapwa nila lalaki. Nasa 80 percent ang mga kaso nang pakikipagtalik sa kapwa lalaki. Sumunod na nagpopositibo sa HIV-AIDS ay ang mga drug user kung saan nag-iinject sila ng droga gamit ang iisang heringgilya na nagiging dahilan para sila magkahawahan.
Marami pang Pilipino ang walang kamuwang-muwang sa AIDS. Sa kabila na marami nang namatay sa sakit na ito, salat pa rin sila sa kaalaman. Palawigin ng DOH ang kampanya sa pamamagitan ng social media, TV, radio at diyaryo para maipaalam sa mamamayan ang mga dapat gawin para makaiwas sa HIV-AIDS. Hindi ang pamamahagi ng condom sa paaralan ang epektibong paraan.
- Latest