Atleta, coaches bibigyan na ng kontrata ng PSC
MANILA, Philippines - Palalagdain ng Philippine Sports Commission (PSC) sa isang kontrata ang lahat ng mga atleta, coaches at opisyales na nasa payroll nito upang maobliga ang mga ito na gawin ang kani-kanilang mga tungkulin sa bayan.
Sinabi ni PSC Chairman William “Butch” Ramirez na nakatakdang pulungin ng ahensiya ang mga national sports associations sa Setyembre 20 para ipaliwanag ang bagong sistemang ipatutupad ng PSC.
Babantayan ni national training director Marc Velasco ang lahat ng miyembro ng national team kung saan bubusisiin ang kanilang performance sa Southeast Asian Games, Asian Games at Olympics.
Posible ring baguhin ng PSC ang buwanang ibinibigay nito na umaabot mula P6,000 hanggang P40,000 base sa sistemang ipinatupad ng nakalipas na liderato ng ahensiya.
“Mag-contract kami with athletes and coaches. Magbibigay kami ng allowance, mag-practice ka as requirement at dapat mag-perform ka depending the cycle mo.If he’s not reporting for practice or not performing, our national training director will recommend to us na ito, dapat tanggalin na,” wika ni Ramirez.
Pahihintulutan ng PSC ang mga coaches at trainers na mayroong ibang trabaho gaya ng pagiging mentor ng isang koponan sa mga unibersidad at kolehiyo.
Subalit titiyakin ng PSC na hindi maaapektuhan ang trabaho nito bilang coach sa national team dahil prayoridad ng bawat national team coach na pagtuunan ng pansin ang tungkulin nito sa mga atleta.
- Latest