DepEd, PNP nagsanib puwersa kontra ‘bomba’
MANILA, Philippines – Nagsanib na ng puwersa ang pamunaun ng Department of Education (DepEd) at Philippine National Police (PNP) laban sa mga sa indibiduwal na nananakot at nagpapakalat na may sasabog na bomba sa mga paaralan sa bansa.
Ayon kay DepEd Sec. Leonor Briones, nakipagpulong na sila sa PNP-NCR at hiniling na magdagdag ng mga pulis sa palibot ng mga paaralan.
Sinabi ni Briones, nasisira ang pasok ng mga estudyante bunsod ng sunod-sunod na suspension ng klase sa iba’t-ibang paaralan sa bansa dahil sa ‘bomb scare’ o pananakot ng ilang indibidwal na walang magawa sa buhay.
Ayon kay Briones, huwag ikalat sa social media at i-text sa iba ang matatanggap na pananakot na may itinanim na bomba sa paaralan sa halip ay agad na ireport sa himpilan ng pulisya para agad na maaksiyunan at ma-imbestigahan ito.
Inatasan na rin ng DepEd ang mga school official na maging mapagbantay, mapagmatyag at alerto sa lahat ng oras upang matiyak ang kanilang seguridad.
Matapos ang night market bombing sa Davao City sanhi ng pagkamatay ng 14 at pagkasugat ng 71 iba pa katao, sunod-sunod na ang mga bomb threats na natatanggap ng mga paaralan dahilan ng pagkakasuspinde ng mga klase.
- Latest