Railroad Tracks sa San Antonio Pinaglalaruan
Isang railroad track sa San Antonio, Texas ang sinasabing minumulto umano. May kakaiba kasing nangyayari sa tracks kapag nag-park ng sasakyan malapit dito.
Ayon sa mga kuwento, isang school bus noong 20th century ang na-stuck sa railroad tracks. Walang magawa ang driver ng bus hanggang sa huling sandali na naging sanhi ng pagkamatay ng lahat ng batang lulan ng school bus matapos araruhin ng mabilis na paparating na tren.
Ang mga multo umano ng mga batang ito ang may kagagawan kung bakit animo’y may tumutulak sa mga sasakyang nakaparada sa burol paakyat ng railroad track. May mga nagsabi rin na nakarinig sila ng mga boses ng bata at parang inuuga ang kanilang mga sasakyan habang nangyayari ang pag-akyat nito sa burol.
May mga nagsasabing optical illusion lamang ito at pababa talaga ang lugar at hindi paakyat. Pero walang makapagpaliwanag sa mga nakita ng iba na mga hand prints ng bata sa sasakyan.
May mapapanood na video sa YouTube kung saan sinubukan nilang i-park at ilagay sa neutral ang sasakyan at patayin ang makina. Makikita sa video na umaakyat nga paitaas ng burol ang sasakyan hanggang malampasan ang railroad tracks.
Sa palagay ninyo, totoo kaya ang mga kuwento na multo ng mga batang namatay ang tumutulak paitaas sa mga sasakyan dito? O baka naman may iba pang siyentipikong paliwanag sa kaganapang ito? Kayo na ang humusga.
- Latest