Carabao Man (33)
ANG laki na nang ipinagbago ng kaanyuan ni Johnpaul na JP na pala ang tawag, naisip ni Maricel. Lalong gumuwapo ito. Kung dati ay nakahubad lang ito at nakasakay sa kalabaw, nga-yon ay makisig na makisig sa suot. Pakiwari ni Maricel ay mabangung-mabango at parang bagong paligo.
Pero pakiramdam din ni Maricel ay may mala-king pagbabago na sa ugali nito. Malaki ang paniwala ni Maricel na narinig siya ni JP pero hindi siya pinansin. Nakita niyang tumingin ito sa direksiyon niya kanina pero biglang binawi nang makita siya. Palagay niya, nakita siya ni JP.
Bigla naman siyang nalungkot nang maalala ang pagyayakapan ni JP at ka-loveteam nito na si Maryanne. Sweet na sweet ang mga ito. Baka nga totoong may relasyon na ang mga ito. Kadalasang ang magkaka-loveteam ang nagkakainlaban. Palibhasa’y sila ang laging magkasama. At siguro, bigay na bigay ang mga ito sa love scene. Buhos na buhos ang sarili sa pakikipaghalikan.
Napakagat-labi si Maricel.
Ganunman, nasasaisip pa rin niya kung paano makikita ang tirahan ni JP. Gusto niyang makita at makausap si JP. Siguro naman ay hindi na ito makakaiwas kapag nakita niya ang tirahan nito.
Kapag nakita niya ang tirahan, magkukunwari siyang fan nito. Baka papasukin siya nito at magpapakilalang kababata niya. Siguro naman hindi na makakaiwas si JP.
Nag-isip ng paraan si Maricel kung paano malalaman ang address ni JP. Una niyang naisip ay magtungo sa lugar ng shooting. Tiyak na may nakakaalam kung saan ang tirahan ni JP.
Habang nakababad sa shooting, isang babaing alalay ng artistang babae ang nakakuwentuhan niya.
Itinanong niya rito kung saan nakatira si JP.
“Sa isang condo yan nakatira. Yung condo na malapit sa Quezon Ave. Hanapin mo roon, Ate.’’
Tuwang-tuwa si Maricel. May alam na siya sa tirahan ni JP. Pupuntahan niya agad-agad ang condo.
(Itutuloy)
- Latest