Bakuna laban sa dengue
KAILAN lang ay tinamaan ng dengue ang pamangkin ko. Galing ng Bali, Indonesia kailan lang, at tila doon nakagat ng lamok na nagdadala ng dengue virus dahil tatlo pang mga kasama ang tinamaan rin. Gumaganda na naman ang kanyang lagay at bahagyang tumaas na ang platelet count, na binabantayan kapag may dengue. Ang pagbagsak ng bilang ng platelets ay maaaring maging sanhi ng pagdurugo, bagay na peligroso para sa pasyente. Dahil walang gamot ang dengue, walang magagawa kundi bantayan lamang kung sakaling maglabasan ang mga karaniwang kumplikasyon. Kaya mahalaga na magkaroon ng bakuna laban sa dengue.
Ang kauna-unahang bakuna laban sa dengue, Dengvaxia, ay inaprubahan na ng World Health Organization, at inaprubahan na rin ng DOH ng Pilipinas para gamitin sa publiko. Ang Pilipinas ang unang bansa na pumayag magamit ang bagong bakuna. Susunod na rin ang Mexico at Brazil. Ayon sa Sanofi Pasteur, ang kumpanyang lumikha ng bakuna, makapagbibigay ng proteksyon ang bakuna laban sa apat na klaseng dengue. Pero tulad nang lahat ng bakuna, iba-iba rin ang epekto sa pasyente. Sa madaling salita, maaaring hindi 100 porsyento ang tagumpay ng bakuna sa lahat, pero ayon naman sa kanilang pagsusuri, mataas pa rin ang porsyento ng tagumpay. Para sa bansa natin na laganap ang dengue, magandang balita ito.
Hindi pa mabibili ang bakuna ng publiko. Ang DOH pa lang ang bibili at babakunahan ang mga pasok sa kanilang criteria. Ang unang target ay isang milyong bata itong taon na nagsimula na noong Abril. Inaasahan na magiging mas mura ang Dengvaxia sa mga darating na buwan. Tamang-tama rin at nagsimula nang umulan. Pero hindi dahil may bakuna na ay puwede na ring maging kampante laban sa dengue. Katulad ng nangyari sa pamangkin ko. Hindi nila inakala na sa ibang bansa pa nila makukuha. Dahil hindi pa mabibili ng publiko ang bakuna, kailangan pa ring maging maingat ngayong panahon. Siguraduhing walang mga namamahay na tubig sa inyong paligid, at takpan ang mga lalagyan. Tiyaking maayos ang mga screen ng bahay. Gumamit ng kulambo kung maaari. Magpasalamat at may bakuna na. Pero maging mapagbantay pa rin nang sa ganun ay magiging matagumpay ang bansa laban sa dengue, pati na rin ang kahawig na Zika virus.
- Latest