Digong magmumulta kay Jesus Duresa
TINAWAGAN ako kahapon ni Jesus “Jess” Dureza, ang chairman namin sa Philippine Press Institute (PPI). Tulad nang alam nang marami, itinalaga ni incoming-President Rodrigo Duterte si Dureza bilang member ng kanyang gabinete. To be precise – Presidential peace adviser.
Komo ako ang kinatawan ng Star Media Group sa PPI at umaakto bilang tesorero, may mga inihabilin lang sa aking bagay si Jess na baka hindi na niya aktibong magampanan kapag nagsimula na siya sa kanyang posisyon.
Sabi ko sa kanya, “mahirap rendahan ang ating Presidente ano?”
Si Jess ay kamag-aral sa high school ni Duterte kaya sila close. Aniya sa akin, “wait and see pag-upo niya. Magiging very presidential na siya,” ani Dureza.
Nauna na nating narinig kay Duterte ang ganito: “I am enjoying the last days of my rudeness” sa huling panahon niya bago maupo bilang Pangulo. Sabi sa akin ni Jess, biniro daw niya si Duterte na pagmumultahin niya ito tuwing makakarinig ng pagmumura mula sa president-elect.
So, sinasamantala pala ni Duterte ang kanyang mga huling araw bago pumuwesto sa presidency. Kaso mukhang he is over-doing it sa puntong tila sangganong naninipol sa mga babae na dalawang beses nangyari sa dalawang newshen.
Opinyon ko lang ito, hindi gawain ng disenteng tao ang mag-wolf-whistle sa babae at sa katunayan, itinuturing na itong sexual harassment sa bisa ng batas.
Dapat tandaan ng ating halal na Pangulo na ang whistle bomb ay pumipito rin nang matagal at ang kaduluduluhan nito ay malakas na pagsabog!
- Latest