UP ipapasa na ang hosting ng UAAP Season 79 sa UST
MANILA, Philippines - Ipapasa na ng University of the Philippines sa University of Santo Tomas ang karapatang maging punong abala sa ika-79 edisyon ng University Athletic Association of the Phi-lippines na nakatakdang magsimula sa Setyembre.
Gaganapin ang seremonya alas-5 ngayong hapon sa UP Bahay ng Alumni sa Diliman, Quezon City kung saan mismong si outgoing Season 78 president Dr. Michael Tan ng UP ang magpapasa ng UAAP flag kay incoming Season 79 president Fr. Ermito de Sagun ng UST.
Maliban sa turnover rites, gagawaran din ng parangal ang UAAP Season 78 Athlete of the Year.
Nangunguna sa mga kandidato sina table tennis star Ian Lariba ng De La Salle University, chess master Janelle Mae Frayna ng Far Eastern University at swimmer Hannah Dato ng Ateneo de Manila University.
Tinulungan ni Lariba ang Lady Archers na makuha ang ikalawang sunod na kampeonato sa table tennis.
Gumawa rin ng kasaysayan si Lariba nang maging kauna-unahang Pilipino na nagkwalipika sa Olympic Games na idaraos sa Agosto sa Rio de Janeiro, Brazil.
Nakuha ni Lariba ang kanyang tiket sa 2016 ITTF-Asia Olympic Games Qualification Tournament na ginanap noong Abril sa Hong Kong.
Maliban kina Lariba, Frayna at Dato, kasama rin sa mga pinagpipilian ang iba pang MVP awardees sa iba’t ibang sports gaya nina three-time women’s volleyball MVP Alyssa Valdez at men’s basketball MVP Kiefer Ravena ng Ateneo.
Kikilalanin rin ng UAAP ang mga athlete-scholars na tunay na nagpamalas ng husay hindi lamang sa loob ng court maging sa kani-kanilang academics.
Sa Season 78, tinanghal na overall champion sa seniors ang La Salle habang nakuha naman ng UST ang pangkalahatang kampeonato sa juniors division.
- Latest