Compton pumirma uli sa Aces
MANILA, Philippines - Hindi pa man nagsisimula ang 2016 PBA Commissioner’s Cup championship series ay natiyak na ni American coach Alex Compton ang patuloy niyang paggiya sa Aces.
Isang three-year contract extension ang pinirmahan ni Compton para sa Alaska, natalo sa Rain or Shine sa nakaraang 2016 PBA Commissioner’s Cup Finals.
Sa nasabing title series ay naglaro ang tropa ni Compton nang wala ang mga may injury na sina power forward Vic Manuel at point guard JVee Casio.
Sa kanyang anim na komperensyang paggiya sa Aces ay naihatid ng 42-anyos na si Compton, pinalitan si Luigi Trillo noong 2014 PBA Governor’s Cup, ang one-time PBA Grand Slam champions sa apat na Finals appearances.
Kasama rito ang tatlong sunod na Finals stint noong 2015 PBA Governor’s Cup, 2016 Philippine Cup at Commissioner’s Cup.
Nabigo si Compton na maibigay sa koponan ni team owner Wilfred Uytengsu ang korona ng 2016 PBA Philippine Cup nang matalo sa San Miguel Beermen bagama’t humawak ng 3-0 bentahe sa kanilang best-of-seven titular showdown.
“We are gonna get back to the finals or maybe we won’t, we are gonna win the championship or maybe we won’t. But we’re gonna keep fighting,” sabi ni Compton, sinimulan ang coaching career sa Rain or Shine noong 2006.
Kasalukuyang tumutulong si Compton kay head coach Tab Baldwin para sa paghahanda ng Gilas Pilipinas sa 2016 Olympic Qualifying Tournament sa Hulyo 5. (RCadayona)
- Latest