Kelot binoga sa ulo, utas
MANILA, Philippines – Isang binata ang iniulat na nasawi dahil sa mga tama ng bala sa kanyang ulo makaraang pagbabarilin sa isang barangay sa Quezon City kamakalawa.
Si Jason Mercado, 27, ng Bolaños compound, Barangay Tatalon ay nasawi matapos ang halos apat na oras na gamutan, ayon kay PO2 Virgilio Mendoza, may hawak ng kaso.
Blangko naman ang awtoridad sa pagkakakilanlan ng salarin dahil walang gustong magsalita sa mga residente kaugnay dito sa takot na sila naman ang balikan.
Base sa pagsisiyasat ni Mendoza, nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Manunggal St., Brgy. Tatalon, dakong alas-2:10 ng hapon.
Naisugod pa sa ospital ang biktima subalit apat na oras na surgical operation ay binawian din ng buhay, dakong alas-6:35 ng gabi.
Sa imbestigasyon, ang biktima ay nagtamo ng dalawang tama ng bala sa ulo at contusion sa bahagi ng kanyang kanang mata. Patuloy ang imbestigasyon ng otoridad sa nasabing insidente.
- Latest