Blue Eagles dinagit naman ang Bulldogs, Lady Spikers lumapit sa korona
MANILA, Philippines – Itinapat ng De La Salle University ang kanilang mala-pader na net defense laban sa matutulis na atake ng Ateneo de Manila University para kunin ang 25-22, 25-22,25-21 panalo sa Game One ng 78th UAAP women’s volleyball finals kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Maaaring ganap na makamit ng Lady Spikers ang korona sa pamamagitan ng panalo sa two-time defending champions na Lady Eagles sa Game Two sa Miyerkules sa Big Dome.
“Napaka importante ng Game One kasi bumalik ‘yung tiwala ng bawat player ko napakahirap kasing makuha ‘yun eh lalo na kung ganitong back-to-back champion ang lalabanan mo,” ani coach Ramil de Jesus.
Ito ang pang-limang championship showdown ng La Salle at Ateneo kung saan nagreyna ang Lady Spikers noong Season 74 at 76, habang hinirang na back-to-back champions ang lady Eagles noong Season 76 at 77.
Muling sinamantala ng La Salle ang malambot na service reception ng Ateneo na siya ring nangyari sa una nilang pagtutuos sa first round.
Mula sa 1-7 pagkakaiwan sa first set ay bumangon ang Lady Spikers para agawin ang 1-0 bentahe laban sa Lady Eagles.
Napanatili ng La Salle ang naturang estratehiya para tuluyan nang gibain ang Ateneo via straight sets victory.
Pinamunuan ni Kim Dy ang Lady Spikers sa kanyang 15 points, habang nag-ambag si Mika Reyes ng 13 markers kasunod ang tig-10 nina Ara Galang at Mary Joy Baron.
Muli namang binanderahan ni Most Valuable Player Alyssa Valdez ang Lady Eagles sa kanyang 17 points, ang 15 ay mula sa kanyang atake.
Samantala, bumangon naman ang Blue Eagles sa opening set loss para balikan ang Bulldogs ng National University, 23-25, 25-20, 25-17, 25-18, at kunin ang 1-0 bentahe sa kanilang title wars.
Humataw si two-time MVP Marck Espejo ng 21 points mula sa 18 hits para ilapit ang Ateneo sa kanilang ikalawang sunod na kampeonato.
Nagdagdag naman sina Rex Intal at Ysay Marasigan ng 13 at 12 points, ayon sa pagkakasunod para sa Blue Eagles na nangailangan ng dalawang oras para talunin ang Bulldogs at maaari nang tapusin ang serye sa Game Two sa Miyerkules.
- Latest