EDITORYAL - Walang revamp sa NAIA
WALANG mangyayaring revamp sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kaugnay sa “tanim-bala” isyu na nangyari noong nakaraang linggo. Ibig sabihin, mula ngayon hanggang sa makababa sa puwesto si President Noynoy Aquino, mananatili pa rin sa NAIA si MIAA General Manager Jose Angel Honrado. At kahit pa marahil magkaroon pa nang sunud-sunod na “tanim-bala” sa loob nang nalalabing araw sa termino ni P-Noy, walang “gugulong na ulo” sa NAIA. Kaya walang magagawa kundi magtiis sa nalalabi pang mga araw ng Aquino administration.
Sabi ng Malacañang, hindi raw nakapokus ang pamahalaan sa pagbalasa o pag-aalis sa puwesto ng namamahala sa airport. Mas pinagtutuunan daw ng pansin ng pamahalaan ang kapakanan ng airline passengers sa tatlomg terminals ng NAIA. Mas mahalaga raw ang pagprotekta sa mga pasahero laban sa mga may masasamang intensiyon habang nasa airport. Hindi raw papayagan na may mag-take advantage sa mga pasahero.
Pero di ba’t tungkol din sa kapakanan ng pasahe-ro ang nangyaring “tanim-bala” sa isang 75-anyos na babaing patungo sa US para magpagamot? Nahulihan ng bala sa kanyang bagahe si Salvacion Cortabista nang idaan ito sa huling x-ray scan. Sabi ng asawa ni Salvacion na si Esteban, naidaan na sa dalawang x-ray ang bagahe at nagtaka sila sapagkat sa ikatlong x-ray ay may bala na. Aanhin daw nila ang bala? Hindi naman ito nakakain. Pati ang pamangkin ng mag-asawa ay nagsabing sinira raw ang kanilang pagkatao dahil sa “tanim-bala”. Dahil daw doon ay hindi na makapagpapagamot ang tiyahin nila na halos hindi na makalakad.
Nakapokus daw ang Malacañang sa kapakanan ng pasahero. Tila hindi ito tumutugma sa mga nangyayari ngayon sa airport na ang isang matandang halos hindi makalakad ay tinaniman ng bala. Mauulit pa ang pangyayaring ito at tiyak ganito uli ang sa-sabihin ng Malacañang.
Habang marami ang nangangambang pasahero o mga OFW sa pagbabalik ng “tanim-bala”, kampante naman ang general manager na hindi magagalaw sa puwesto. Matibay dahil nakasandal sa pader.
- Latest