Binata tupok sa sunog
MANILA, Philippines - Patay ang isang 19 anyos na binata habang malubha namang nasugatan ang ama nito matapos na tupukin ng apoy ang kanilang tahanan sa naganap na sunog sa Brgy. San Vicente, Pamplona, Camarines Sur kamakalawa.
Kinilala ang nasawing biktima na si Israelito Bernaldes Jr., halos nagmistulang uling matapos na ma-trap ang katawan sa sunog. Patuloy namang nilalapatan ng lunas sa Bicol Medical Center ang nasugatang biktima na si Israelito Bernaldes Sr., 54 anyos.
Sa ulat ng Police Regional Office (PRO) V, bandang alas-12:30 ng hapon nang tupukin ng apoy ang tahanan ng mag-ama sa Zone 2, Brgy. San Vicente, Pamplona ng lalawigan. Base sa imbestigasyon, ang binata ay kasalukuyang mahimbing na natutulog nang lamunin ng apoy ang kanilang bahay.
Sinasabing na-trap ang binata na natutulog sa loob ng silid nito nang sumiklab ang sunog na tinangkang sagipin ng ama kaya ito nasugatan sa insidente.
Naapula naman ang apoy bandang alas-1:40 ng hapon matapos na magresponde ang mga bumbero. Inaalam pa ang sanhi ng sunog at kung magkano ang halaga ng pinsala.
- Latest