^

Para Malibang

Aswang Territory (52)

Gilda Olividado - Pang-masa

“Nag-commit na po sila sa inyo. At ako man po, gusto ko talagang tulungan kayo. Pero ang maipapa­ngako po namin ay ang aming pamilya lang. Kasi ang iba naming kalahi, hindi ko sigurado kung handa sila sa isang laban. I mean, para lang din ho silang mga tao kasi. Mas gusto na tahimik lang na namumuhay, hindi sila sanay sa gulo.” Nagpaliwanag si Avia.

May naalala si Armani. “Iyung kalahi mo na muntik na akong pinatay, Avia ... dahil umiibig sa iyo at nagselos. Palagay mo? Mga katulad niya ang p’wede nating makumbinsing tumulong sa atin sa paglaban sa mga masasamang aswang?”

Umiling si Avia. “Armani, isa siya sa napakakonti na may ugaling masama. Baka nga kapag sinabi natin sa kanya ito, doon agad siya kakampi kina Simeon. Naniniwala akong malaki ang galit niya sa iyo. Kaya sino man ang kakampihan mo, doon siya sa katapat.”

“Ganoon ba?”

“Magiging dagdag na panganib lang siya. Kaya nga ni hindi ko ‘yon nagustuhan. At pinag-iingat kita nang husto sa kanya.”

“Okay, Avia. Mag-iingat ako. So paano na ito? Paano natin lalabanan ang mga aswang na kaylulupit at ganoon karami? Hindi naman uubra ang mga pulis at sundalo, ‘di po ba, Father?”

“Mahirap makahanap ng pruweba ang batas. Marami nang napatay pero dahil malapit tayo sa bundok, iniisip nila kaagad o idinadahilan, mga mababangis na hayop ang may kagagawan. Kaya noon pa kami hindi umaasa sa kanila.” Malungkot na sumagot ang pari.

“Hindi bale, Father. Hindi tayo susuko. Isang hamon ito para sa buhay ng mga taong may karapatang buhayin. Titingnan namin ng pamilya ko ang lahat na magagawa namin.” Pangako ni Avia.

“Salamat, Avia. Samantala, habang naghihintay tayo sa pagbalik ng pamilya mo, kapag sumapit na ang dilim, hindi na tayo lalabas. At habang may araw pa, ipapakilala ko na sa inyo ang mga kasamahan naming tao na lumalaban sa mga masasamang lahi ng aswang.”

“Paano po ang pagiging aswang ko, ipagtatapat n’yo rin sa kanila ... matatanggap kaya nila ako? Mapagkakatiwalaan?” May pangambang nagtanong si Avia.

Nag-alala na rin tuloy si Armani. “Oo nga, Father. Baka galit sila sa lahat na aswang, walang tiwala? At sasaktan nila ang nobya ko!” Itutuloy

 

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
March 18, 2020 - 12:00am
fbtw
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with