Tamang pagbabalat ng luya gamit ang kutsara
Dahil nagtaasan na naman ang presyo ng gulay, gugustuhin nating makatipid. Gagawin natin ang lahat para masulit ang ating pinamili. Mahalaga ang gulay sa katawan dahil ito ang nagbabalanse sa pagkain natin ng karne na siyang kadalasang nagbibigay ng sakit sa tao.
Luya ang isa sa mga aromatics na ginagamit sa pagluluto. Aromatics ang tawag sa mga panahog na pampabango sa ating mga lutuin. Hindi lang aromatics ang luya dahil pantanggal lansa rin ito sa mga isda, seafood, o kahit dugo na ginagamit sa dinuguan.
Ngunit hindi madali ang paglilinis at pagbalat ng luya gamit ang kutsilyo. Dahil mali naman talaga ito. Ang tamang pagbalat ng luya ay ginagamitan lang ng kutsara!
Pero malamang nagtatanong kayo kung paano makapagbabalat ang kutsara lang, tama ba? Ang balat kasi ng luya ay manipis lamang at hindi kakailanganin ng matalim na edge tulad ng makikita sa mga kutsilyo. Bukod sa matagal magbalat gamit ang kutsilyo, marami pa ang nasasayang na laman ng luya at naitatapon lang kasama ng balat.
Sa pagbalat gamit ang kutsara, siguruhing nahugasan nang mabuti ang luya para mas lumambot pa ang balat. Mabibigla kayo na sa pagkuskos ng kutsara ay madaling matatanggal ang manipis na balat ng luya. Parang magic na humihiwalay ang balat sa laman. Sa ganitong paraan, mas masusulit ninyo ang luyang binili.
Bonus tip naman, alam n’yo bang ang tinidor ay maaring gamitin na pang-grate ng luya? Oo, mas mapapabilis ang buhay n’yo kung ikukuskos sa tinidor ang luya. Sakto ito para panggisa, pang-garnish, at sa sawsawan.
Subukan n’yong gamitin ang kutsara at tinidor sa luya para mas mapadali ang inyong pagluluto. Burp!
- Latest