Bongbong kay PNoy: Move on
MANILA, Philippines — Iginiit ni Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos na wala siyang dapat ihingi ng tawad, kasunod ng panawagan ni Pangulong Benigno Aquino III.
Sinabin ni Marcos na wala naman siyang sinaktan o nagawang krimen upang humingi ng tawad sa mga Pilipino, tulad ng nais mangyari ni Aquino.
"Kung mayroon akong nasaktan o mayroon akong ginawang pagkakamali, handa naman talaga akong mag-apologize pero ano 'yong ipag-aapologize, sino ba ang sinaktan ko? Saan ba ako nag-ano ng krimen? Sa palagay ko, wala namang ebidensiya tungkol d'yan," pahayag ni Marcos sa kaniyang panayam sa “Bandila” ng ABS-CBN.
Dagdag niya na dapat na itong kalimutan ng Pangulo.
“Yes,” tugon ng senador kung sa tingin niya ay dapat nang mag-move on si Aquino.
Samantala, nais lamang ipagpatuloy ni Marcos ang nasimulan ng kaniyang pamilya sa kaniyang pagtakbo bilang bise presidente sa 2016.
BASAHIN: Pinakamaswerteng tao ako dahil pinanganak akong Marcos – Bongbong
"Ang amin namang ginagawa ay hindi naghahabol ng poder kundi pinagpapatuloy lamang ang aming serbisyo sa bansa kaya hindi namin iniisip... Ang iniisip lang namin, ano magagawa natin para maging mas maganda ang buhay dito sa atin?" paliwanag niya.
Sa huli ay sinabi ni Marcos na ang pinakamalaking pagkakamali ng kaniyang ama ay ang magtiwala sa mga maling tao.
"Ang kasaysayan ay nandyan na. Hindi natin puwedeng palitan kaya't hindi mo maitutuwid ang baluktot, hindi mo maibabaluktot ang tuwid so pabayaan natin ang kasaysayan ang maghusga sa kanya."
- Latest