Robredo umaasa pa rin sa Mar-Poe
MANILA, Philippines – Inamin ni Camarines Sur Rep. Leni Robredo na umaasa pa rin siya na mabubuo ang tambalang Mar Roxas at Sen. Grace Poe para sa dalawang pinakamataas na pwesto sa gobyerno sa paparating na eleksyon.
Sinabi ito ni Robredo sa kabila ng mga ulat na natakdang ihayag ni Poe ang kaniyang pagtakbo bilang pangulo sa Miyerkules.
"Sana. Hanggang wala pang announcement, hindi pa kami nawawalan ng pag-asa na somehow magkakaareglo din," pahayag ng kongresista sa kaniyang panayam sa ABS-CBN News Channel.
BASAHIN: Walang Mar-Leni? Robredo namimili sa Kamara o Senado sa 2016
Si Poe ang nangunguna sa listahan ng Liberal Party na maging running mate ng kanilang standard bearer na si Mar Roxas.
Kahit si Pangulong Benigno Aquino III ay umaasa pa rin kay Poe, ngunit kung matuloy ang karera ng senadora ay aniya hindi ito kabaha-bahala.
Samantala, sinabi ni Robredo na kung wala nang ibang maaaring makatambal si Roxas ay saka lamang siya tatakbo.
"Masasagot ko lang siya ng oo if I feel I am the only one who can do it. E maraming pwede. Sacrifice to country sa akin hihingin, e pwede rin naman sa iba," wika ni Robredo sa parehong panayam.
Aniya ganito rin ang dahilan nang kaniyang pagtakbo noong 2013.
"Kailangan indispensable, that I am the only one who can fill that gap. Ang pagtakbo ko sa Congress, kahit ayaw na ayaw ko, alam ko ako lang ang makaka (fill).”
Bukod kay Poe nakikita rin ni Robredo sina Justice Secretary Leila De Lima at Sen. Alan Peter Cayetano na maaaring makasama ni Roxas para sa pagpapatuloy ng “Daang Matuwid.”
BASAHIN: De Lima hindi handang tumakbong VP sa 2016
Nakatakdang ihayag ng kinatawan ng Camarines Sur ang kaniyang mga plano sa katapusan ng buwan matapos lumabas ang mga survey at ilang araw bago ang pasahan ng certificate of candidacy.
- Latest