Suspek sa mag-asawang pinatay, tiklo
MANILA, Philippines - Nagsilbing susi ang social networking site na facebook account sa pagkakaaresto sa isa sa mga pangunahing suspek sa pagpatay at pagsunog sa mag-asawa sa loob ng sasakyan noong Lunes sa Los Baños, Laguna.
Sa follow-up operations sa bayan ng Lasam, Cagayan, nasakote ang 30-anyos na suspek na si Donald “Don-Don” de la Rosa.
Sa police report ni P/Senior Supt. Florendo Saligao na isinumite sa Camp Crame, bandang alas -11:45 ng umaga noong Miyerkules, natunton ng tracking team ng Los Baños PNP sa tulong ng Lasam PNP ang pinagtataguan ng suspek sa Barangay Gabun sa nasabing bayan.
“Our operatives used technology in tracking him through his facebook profile, google for familiarization in the area where he is hiding. The manhunt operations is still continuing for other suspects,” daggag pa ni Saligao.
Si De la Rosa ay isa sa tatlong suspek na magkakaangkas sa motorsiklo na rumatrat sa itim na Toyota Avanza (ULQ 484) ng mag-asawa saka hinagisan pa ng granada.
Gayunpaman, nasunog din ang bangkay ng mag-asawang sina Merlito at Liezel Morales sa Barangay Bayog, Los Baños , Laguna noong Lunes.
Sa panig naman ni P/Supt. Romeo Desiderio, sinabi nito na nasa talaan ng drug personalities ang mag-asawa sa San Pablo City, Laguna kung saan may operasyon din sa Quezon, Batangas at karatig bayan sa Laguna.
Narekober sa sasakyan ng mag-asawa ang P.1 milyong cash na nagtamo rin ng sunog.
Si De la Rosa ay nakita sa rogue gallery ng mga wanted sa batas at sa pamamagitan ng facebook ay namukhaan na isa sa rumatrat at naghagis ng granada sa sasakyan ng mag-asawa.
- Latest