2 timbog sa shabu
MANILA, Philippines – Hindi inakala ng dalawang lalaki na ang kawalan nila ng helmet ang magiging dahilan ng kanilang pagkakakulong sa Maynila.
Ayon kay Chief Insp. Rommel Anicete, hepe ng MPD-Plaza Miranda (PCP) ang mga suspek na sina Frederrick Tanega, 20 at Gilbert Sosoban,18 ay pinara ng Oplan Sita sa panulukan ng Carriedo St. at Rizal Ave. dakong alas 5:30 ng hapon kamakalawa dahil na rin sa walang mga suot na helmet at drivers license.
Agad na dinala ang dalawa sa Plaza Miranda PCP kung saan naging kaduda-duda ang kilos ng mga ito.
Inatasan nina PO3 Joseph Almayda at PO2 Joseph Ryan Talaguit sina Tanega at Sosoban na ilabas ang lahat ng nasa kanilang mga bulsa.
Dito na tumambad ang tig isang sachet ng shabu kaya’t agad na kinostodiya ang dalawa habang isinailalim sa laboratory examination sa nakuhang droga.
Sinampahan ng paglabag sa Section 11( illegal Possession of Dangerous Drugs at RA 4136 (Not Wearing Safety Helmet) sina Tanega at Sosoban.
- Latest