‘Space salad’ na gawa sa mga gulay na pinatubo sa kalawakan, patok sa mga astronaut
PATOK sa mga astronaut ang salad na kanilang ginawa mula sa gulay na kanilang pinatubo mismo sa International Space Station (ISS).
Nasarapan ang mga astronaut na sina Dr. Kjell Lindgren at Scott Kelley sa kinain nilang salad na gawa mula sa letsugas na pinatubo mismo sa ISS at hinaluan ng olive oil at balsamic vinegar.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakakain ang mga astronaut ng isang pagkain na sila mismo ang nagpatubo habang sila ay nasa kalawakan.
Hindi kasi madali ang magpatubo ng halaman sa kalawakan. Dahil sa kawalan ng gravity ay halos imposibleng madiligan ang mga halaman dahil lulutang lamang ang mga patak ng tubig na ibubuhos sa mga ito. Kaya naman gumamit ang mga astronaut ng isang espesyal na klase ng clay na may nakahalo ng tubig upang doon itanim ang mga halaman at gulay.
Problema rin ang sinag ng araw dahil mabilis ang pag-ikot ng kanilang sinasakyang space station kaya napakadalas na may sinag ng araw. Nalilito ang halaman kung madalas na may sikat ng araw kaya inilagay ng mga astronaut ang kanilang mga tanim sa isang silid na may artipisyal na ilaw na umiilaw kasabay ng oras sa mundo.
Malaking bagay ang tagumpay na pagpapatubo ng gulay sa kalawakan dahil ibig sabihin nito ay may mapagkukunan ng pagkain ang mga astronaut habang sila ay naglalakbay sa kalawakan kung sakaling matuloy ang planong paglalakbay sa Mars.
- Latest