Huramentado todas sa parak
MANILA, Philippines - Patay ang isang 32-anyos na miyembro ng Sigue-sigue Sputnik gang nang makipagbarilan sa rumespondeng mga pulis sa gitna ng kanyang pagwawala nang hindi matagpuan ang sinugod na barangay Ex-O at isang tanod sa Tondo, Maynila kamakalawa ng hapon.
Dead-on-arrival sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) ang biktimang si Wilfredo Modrigo ng Building 11, Unit 308, Vitas, Tondo, bunga ng mga tama ng bala sa katawan.
Nakaengkwentro ng biktima ang mga nagrespondeng sina C/Insp. Ariel Caramoan, commander ng Smokey Mountain-Police Community Precinct; PO2 Roy Navarro at PO1 Mar Bhen Gacutan.
Sa ulat ni PO2 Michael Marragun ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas 3:45 ng hapon nang maganap ang insidente sa may Katuparan Homes, Vitas.
Sinabi ni Chairman William Ypon ng Barangay 101, Zone 8 na sumugod sa kanilang barangay hall ang biktima na may bitbit na sumpak at malakas ang boses na hinahanap si Brgy. EX-O Jose Mondejor at isang di pinangalanang barangay tanod.
Wala umano ang hinahanap ng biktima kaya sa labas ng barangay hall ay nagwawala itong sumisigaw kaya humingi ng police assistance sa Smokey Mountain PCP ang barangay kagawad.
Paparating umano ang mga pulis nang paputukan pa umano ni Modrigo at tumakbo ito kaya nauwi sa maikling habulan at siya ay nagantihan ng putok. (Ludy Bermudo)
- Latest