Trillanes: Baka ipapatay ako ni Binay
MANILA, Philippines – Nangangamba si Senador Antonio Trillanes para sa kanyang buhay kapag nanalo si Bise Presidente Jejomar Binay bilang Pangulo sa 2016 national elections.
Sinabi ni Trillanes sa kanyang panayam sa dzBB na nakataya ang kanyang buhay sa pagsiwalat ng mga anomalya sa pamamalakad ni Binay mula noong umupo siya bilang alkalde ng lungsod ng Makati.
“'Pag naging presidente si Binay baka ipapapatay ako o ipakulong kaya hindi madali itong ginagawa namin,” pahayag ng senador.
Kaugnay na balita: Trillanes: Binay walang isang salita
Sa kabila nito ay walang balak tumigil si Trillanes sa pagtirada kay Binay at sinabing may lima pang gusali sa Makati ang kanilang iimbestigahan sa Senate Blue Ribbon Sub-Committee.
Pinabulaanan din ng senador na mayroong makapangyarihang grupo na nag-uudyok sa kanya upang pag-initan si Binay.
Isa si Trillanes na nangunguna sa imbestigasyon ng senado sa mga pangungurakot umano ni Binay sa Makati at ang umano'y tagong yaman nito kabilang ang higit 300-hektaryang lupain sa Batangas.
Mayroon sanang nakatakdang debate sina Trillanes at Binay sa Nobyembre 27, ngunit inatrasan ito ng Bise Presidente kahapon.
“Kung maghamon siya ulit, call ho ako, papayag ako pero ang tanong, panghahawakan ba ulit natin?”
- Latest