Mga ‘lamparang tinapay’, ipinagbebenta sa Japan
SI Yukiko Morita ay isang 27 taong gulang na artist sa Japan. Mahilig din siya sa iba’t ibang klaseng tinapay at ito ang dahilan kung bakit nakaisip siya ng isang kakaibang paraan upang pagsamahin ang kanyang hilig sa sining at mga tinapay.
Naisip ni Yukiko ang kakaibang gamit sa mga tinapay noong 2006 nang siya ay nag-aaral pa sa Kyoto University of Arts. Habang nagmemeryenda sa gitna ng isa niyang proyekto ay pinaglaruan niya ang isang piraso ng tinapay sa pamamagitan ng pagkain lamang ng loob nito. Nang mapatapat ang naukang tinapay sa ilaw ay saka niya naisip na magandang materyales ang mga tinapay sa paggawa ng mga kakaibang lampara.
Nagkataon namang nagtatrabaho rin siya noon ng part-time sa isang maliit na bakery sa Kyoto kaya marami siyang tinapay na napag-eksperimentuhan. Ngayon ay naperpekto na niya ang paggawa ng mga lamparang gawa sa tinapay. Inuuka niya muna ang mga tinapay sa pamamagitan ng pag-alis ng mga loob nito. Saka niya lalagyan ng isang LED na bombilya ang loob ng mga tinapay. Upang hindi mabulok ang mga tinapay, binabarnisan niya ang mga ito upang mapanatili ang sariwang itsura.
Noong una ay libangan lang ni Yukiko ang paggawa niya ng mga lampara mula sa tinapay ngunit ngayon naging negosyo na niya ito. Umaabot sa $50 ang benta niya sa bawat lamparang kanyang nagagawa.
- Latest