Mag-utol na miyembro ng ‘Baklas Plaka gang’ huli
MANILA, Philippines – Himas rehas ngayon ang magkapatid na miyembro ng “Baklas Plaka gang” matapos na masakote ng otoridad sa aktong nago-operate ang mga ito sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Sa ulat ng Quezon City Police District Station 6, nakilala ang mga suspek na sina Paul Coralde, 32, tricycle driver ng Botocan Toda; at kapatid nitong si Rosalito, 22.
Nangyari ang insidente sa may harap ng isang bahay sa no. 15-A Mapagkumbaba St., Brgy. Sikatuna Village, ganap na alas 3:05 ng hapon.
Nagpapatrulya umano sina SPOI Alejandro Danoog, PO2’s Glen Laron, Maximo Parape, Jr., Jimmy Ordono at Christian Louie Barrido ng PS6 sakay ng mobile patrol QC-47 sa lugar nang maispatan nila ang isang lalaki na binabaklas ang plaka ng isang Mitsubihsi L-300 van na nakaparada sa nasabing lugar.
Habang papalapit ang mga pulis ay nakapuna ang suspek sanhi para biglang huminto ito saka sumakay sa isang tricycle (TZ-2146) na BOTODA 014 na nagsilbi nilang get away at humarurot papalayo.
Dahil dito, nagkaroon ng maikling habulan hanggang sa makorner ng awtoridad ang mga suspek hindi kalayuan sa lugar. Nang siyasatin ay narekober sa sasakyan ng magkapatid ang isang pares ng plaka na may numerong AAI-3816 na nakakabit sa L-300 van na pag-aari ng isang Jose Quinones Jr.
- Latest